
Nambu-bully ng ibang tao ang aking anak
Posibleng nakakalito at nakakaalarmang malaman na nambubu-bully ng ibang tao ang iyong anak. Bilang magulang, ikaw ang huwarang modelo. Napakahalaga ng paraan kung paano ka tutugon.
Maghanda para sa pag-uusap.
Kung inaakusahan ng pambu-bully ang iyong anak, seryosohin ang sitwasyon. Malamang na may mga panghuhusga ka tungkol sa nangyari, lalo na kung nadismaya ka sa iyong anak.
Magsimula sa pakikinig sa iyong anak. Tulungan siyang magamay ang sitwasyon at ayusin ito. Ipaalala sa kanya ang kahalagahan ng pakikiramay at pananagutan para makatulong na maiwasan ang higit pang pambu-bully.
Tugunan ang sitwasyon nang may respeto, at pumili ng komportableng lugar para pag-usapan ang sitwasyon. Iwasang magpakita ng pagkabagot o galit para mahayaan ang iyong anak na mas buksan pa ang kanyang sarili.
Pag-usapan ang problema.
Kapag kinakausap mo ang iyong anak, manatiling sumusuporta. Dapat maramdaman niyang ligtas siya para maging tapat siya sa iyo. Huwag sumingit o mamuna, para maisalaysay niya ang buong kuwento. Ipaalam sa kanya na tutulungan mo siyang ayusin ang problema.
Alamin kung ano ang mismong nangyari at kung gaano katagal na itong nangyayari. Gugustuhin mong malaman kung ngayon lang umasal nang ganito ang iyong anak o kung may mga nangyari nang ganito dati na hindi mo alam.
Ipaalam sa iyong anak sa isang mahigpit ngunit malumanay na paraan na hindi katanggap-tanggap na asal ang pambu-bully at na mayroong mga kahihinatnan ang paggawa nito. Ipaalala sa iyong anak kung bakit mahalaga ang kabutihan, respeto, at pagdamay.
Tumuklas ng mga solusyon nang magkasama.
May mga kahihinatnan ang pambu-bully para sa mga bata, sa paaralan, online, at sa tahanan. Kahit na hindi mo mapipilit ang iyong anak na humingi ng tawad, mahihikayat mo siyang gawin ito. Pwede mo siyang tulungang magsulat ng paumanhin o pumili ng mga tamang salitang sasabihin sa taong nasaktan niya.
Kung nangyari online ang pambu-bully, tiyaking inalis ng iyong anak ang mga nauugnay na post. Kung naganap ang sitwasyon sa paaralan, ipaalam ito sa administration at sabihin sa kanilang nakikipagtulungan ka sa iyong anak. Mag-alok na makipagtulungan sa paaralan kaugnay ng anumang kahihinatnan na may kinalaman sa patakaran ng paaralan.